-- Advertisements --
image 306

Inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglalabas ng P25.16 billion para sa health insurance premiums ng nasa mahigit 8.3 million mahihirap na Pilipino.

Ito ay kasunod ng pag-apruba ni Budget Secretary Amenah Pangandaman sa Special Allotment Release Order (SARO) na nagkakahalaga ng P25,157,547,000 para sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) noong Mayo 23.

Saklaw ng naturang pondo ang isang taong health insurance premiums ng mga kwalipikadong mahihirap na Pilipino na miyembro ng Philhealth.

Ang naturang inisyatibo ay alinsunod na rin sa mandato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang Gabinete na tiyaking mabigyan ng abot-kayang health care ang mga Pilipino.

Ayon pa sa DBM ang pondo ay magmumula sa authorized allotments sa Fiscal Year 2023 General Appropriations Act.