-- Advertisements --

Muling ipinanawagan ng ilang grupo ng mga negosyante at non-government organizations na ilabas ang pondong idinagdag ng Kongreso sa 2025 budget pagkatapos na ng 2025 midterm elections.

Sa isang joint letter, umapela ang grupo sa ehekutibo na aksyunan muna ang rekomendasyon ni dating Senate President Franklin Drilon na i-classify ang lahat ng mga in-introduce na amyenda ng Kongreso sa 2025 budget na mailabas pagkatapos ng halalan para hindi maging kasangkapan ang mga ito sa electioneering o mga kilos na may layuning impluwensiyahan ang pagpili ng isang botante sa ibobotong kandidato o partido sa halalan.

Nanawagan din ang mga grupo ng mga reporma sa budget process para maiwasan ang unnecessary insertion sa taunang expenditure plan ng gobyerno.

Anila, malaki ang pagbabagong ginawa ng bicameral committee sa pondo kung saan malaki din ang itinapyas na mga alokasyon para sa programmed health care, social services at education projects na nasa mahigit P200 billion.

Bilang kapalit ng naturang programmed projects, isiningit umano ng bicameral committee ang local infrastructure projects at mga uri ng unconditional cash transfers na pinaniniwalaang nagtataguyod ng isang kultura ng “patronage at dependency”.

Naniniwala din ang nasabing mga organisasyon na ang naturang mga programa ay vulnerable sa pamumulitika ngayong panahon ng halalan.

Iginiit din ng mga grupo na ang nasabing practice ay napagpasyahan ng Korte Suprema bilang unconstitutional sa kaso noon ng PDAF (Priority Development Assistance Fund) o pork barrel scam, isang political scandal kaugnay sa umano’y maling paggamit ng ilang mga miyembro ng Kongreso.

Sa huli, inirekomenda ng mga grupo ang transparency sa deliberasyon ng bicameral conference committee ng Kongreso.

Kabilang sa mga lumagda sa naturang liham ang Makati Business Club, Financial Executives Institute of the Philippines, FinTech Alliance PH, Justice Reform Initiative, Management Association of the Philippines, Philippine Business for Social Progress at University of the Philippines School of Economics Alumni Association.