Matagumpay na nailagay ng civil society group na Atin Ito Coalition ang mga symbolic markers o buoya na markado ng mga katagang “WPS ATIN ITO” sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Sa kasagsagan ito ng ikinasang ikalawang civilian supply mission ng naturang grupo sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon sa organizer ng Atin Ito Coalition, bukod dito ay naging matagumpay din ang kanilang pagsasagawa ng peace and solidarity regatta na binubuo ng limang Civilian marine vessels, at 100 maliliit na bangka.
Habang namahagi rin ang nasabing sibilyang grupo kasama ang iba pang mga volunteers ng mga donasyong supply tulad ng langis at Food packs sa mga Pilipinong mangingisda na pumapalaot sa naturang lugar.
Samantala, sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang paglalayag ng Atin Ito contingent para sa ikalawang bahagi ng kanilang misyon na layunin namang marating ang bisinidad ng Panatag Shoal o ang Bajo de Masinloc shoal para pa rin sa pamamahagi ng mga supply at donasyon sa mga mangingisdang nandoon.
Bukas ay inaasahang makakarating sa Bajo de Masinloc shoal ang Atin Ito Coalition bandang alas-6:00am.