ILOILO CITY – Dismayado ang Department of Education matapos kinilala ang Pilipinas bilang “lowest in reading comprehension” sa mundo.
Ito ay batay sa survey na isinagawa ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) sa 600,000 na mga 15-year-old students sa 79 bansa sa mundo sa pamamagitan ng 2018 Program for International Student Assessment (PISA)
Natukoy sa resulta ng naturang pag-aaral na ang Pilipinas ay nakakuha ng 340 na average.
Mababa ito kung ihambing sa Organization for Economic Cooperation and Development score na 487.
Ang Pilipinas ang panglawa rin sa pinakamababa sa science na may 357 na score at mathematics na may 353 na score.
Ang mga lungsod naman sa China na kinabibilangan ng Beijing, Shanghai, Jiangsu at Zheijang ang nangibabaw sa lahat ng mga kategorya.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Lilibeth Estoque, Assistant Schools Division Superintendent ng Division of Iloilo sa ilalim ng Department of Education, sinabi nito na isang eye opener ang nasabing survey at nararapat na tutukan.
Ayon kay Estoque, kabilang sa kanilang ginagawang hakbang upang masolusyunan ang nasabing problema ay ang capacity building activity at iba’t-ibang reading program at pagtutok sa beginning reading.
Kabilang naman sa mga dahilan ng nasabing problema ay ang madalas na pagliban sa klase, kawalan ng interes sa pagbabasa at pagkahilug sa gadgets.