-- Advertisements --

Inaasahan na umano ng mga opisyal ng Japanese B. League team na SAN-En NeoPhoenix na bubuhos ang mga manonood sa nakatakdang debut sa liga ni Thirdy Ravena.

Nabatid na sa Aichi Prefecture kung saan matatagpuan ang homecourt ng NeoPhoenix na Toyohashi City General Gymnasium, naroon din ang pinakamaraming populasyon ng mga Pinoy sa buong Japan.

Batay sa 2019 census ng Japan, nasa mahigit 37,000 na mga Pinoy ang naninirahan o nagtatrabaho sa Aichi, mas malaki pa kumpara sa mga Pinoy na nasa kabisera ng bansa na Tokyo.

Samantala, inaasahan din na magiging agaw-pansin si Ravena sa mga fans sa Mikawa province kung saan naroon ang Toyohasi City.

Maliban dito, inaasahan din ng San-En ang grupo ng mga Pinoy mula sa kalapit na Hamamatsu City na magbibigay suporta din kay Ravena.

Una rito, sinabi ng dating Ateneo star na lubos ang kanyang kasiyahan matapos na mapili ito para makapaglaro sa professional basketball league sa Japan.