Hindi pa rin umano nawawala sa plano ni dating Ateneo Blue Eagle star Thirdy Ravena ang paglalaro sa PBA.
Ito’y kahit napipinto na ang pagsabak ni Ravena sa Japanese B. League sa ilalim ng koponan na San-En NeoPhoenix.
Pero ayon sa 6-foot-2 standout, mahirap pa raw sabihin sa ngayon kung kailan ito mangyayari.
“Ang daming nangyayari right now and there’s a lot of mess in terms of scheduling,” wika ni Ravena sa isang panayam.
Kaugnay nito, ibinunyag ni PBA Commissioner Willie Marcial na bago pa man daw sumapi si Ravena sa NeoPhoenix ay sinabi na raw sa kanya ng three-time UAAP Finals MVP ang kanyang magiging plano.
“Nag-usap na kami tungkol diyan bago pa siya nag-announce tungkol sa pagpunta niya ng Japan,” ani Marcial.
Sa ngayon, prayoridad muna ni Ravena ang NeoPhoenix sa B.League.
“We’ll take it one year at a time, take it one contract at a time,” anang player.
Una nang sinabi ni Ravena na hindi pa rin nito binibitawan ang pangarap na maisuot ang uniporme ng Gilas Pilipinas.