-- Advertisements --

Inihahanda na ng ilang mga grupo ng sibilyan ang muling paglalayag ng Atin Ito Coalition sa kontrobersyal na teritoryo ng bansa na West Philippine Sea. 

Sa isang eklusibong panayam, kinumpirma mismo ni Edicio De la Torre, ang kasalukuyang presidente ng Philippine Rural Reconstruction Movement, magkakaroon ulit ng panibagong misyon sa naturang bahagi ng bansa. 

Aniya, dalawang taon na ang nakalilipas mula noong ikasa ang ganitong inisyatibo ng mga sibilyan sa paghayag ng sentimyento at paninindigang ilahad ang Karapatan ng Pilipinas. 

Sa kasalukuyan, ibinahagi niya na ang kanilang grupo at ilan pang mga kasama ay nag-uusap na upang maisapinal ang bawat detalye o plano ng isasagawang misyon. 

Ngunit ayon naman sa kanya, palilipasin muna ang eleksyon sa darating na Mayo habang tinitingnan kung maari nila itong itakda sa bandang kalagitnaan ng taon. 

‘May pinag-usapan na kami, nagkonsulta na kami hindi lang sa isa’t isa…Generally, hindi palang fixed yung every detail, papalipasin lang ang eleksyon and ah pero in the first half of thies year magkakaroon ng third mission,’ ani Edicio De la Torre, presidente ng Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM).

Dagdag pa rito, pinag-iisipan din umano ng koalisyon kung magsasama sila hindi lamang ng mga sibilyang Pilipino kundi pati na rin ang ibang mga bansa na may inihaing ‘claim’ sa naturang teritoryo. 

Subalit, paglilinaw naman ni Edicio De la Torre na ang layunin nila ay para sa kapayaan at ang gawaing ito ay pagpapahayag at paglalahad lamang ng kanilang pinaniniwalaang karapatan. 

‘We want peace kaya may mga nag-suggest, gawin nating very explicit yung focus na a message na we are asserting our rights pero peacefully and we do not want armed conflict tulad ng ginagawa ng China nag-e-escalate noh,’ pahayag ni Edicio De la Torre, presidente ng Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM).

Kaya naman, ipinagmalaki niya na pursigido ang grupo na ituloy ang misyon kahit una ng napabalita na mayroon pa ring presensya roon ng mga barko ng Tsina na halos hindi na umano umaalis sa naturang teritoryo. 

Dahil dito, umaasa ang kanilang samahan na ang posibleng pagharang ng gobyerno sa gawaing ito ay hindi matuloy at payagan na lamang sila ng mga otoridad sa muling paglalayag.