Ipinag-utos ni AFP chief Gen. Gilbert Gapay ang paglansag sa lahat ng natitirang guerrilla fronts ng New People’s Army (NPA) hanggang sa katapusan ng 2021.
Ayon kay Gapay, nanghihina na raw kasi ang karamihan sa mga unit na ito ng mga rebelde.
“I noticed a lot of these New People’s Army units have been weakened so this is our target for all the Unified Commands,” saad ni Gapay.
Pinahihintulutan din ang mga commanders na magtakda ng kanilang priority targets, kasama na ang kanilang trabaho na bilisan ang pag-clear sa mga natukoy na focus areas.
“Focused military operations shall be intensified in order to destroy the armed groups, taking advantage of our newly acquired game-changer assets,” ani Gapay.
Dagdag ng heneral, nasa 54 umanong mga guerrilla fronts at siyam na regional armed groups ang nasa “bingit ng pagguho.”
“We have significantly decimated these groups such that we could target to catch up on our goals toward the end of the first semester of this year,” dagdag nito.
Sa kabilang dako, nakaranas din daw ng pagkabigo ang Abu Sayyaf Group tulad ng pagkalagas ng kanilang mga tauhan at armas sa pagtatapos ng 2020.
Ganito rin aniya ang sinapit ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa lahat ng mga lugar kung saan mula sa 278 noong 2019, nabawasan ang kanilang manpower sa 252 noong 2020.
Samantala, inatasan din ng Gapay ang mga AFP units na mas paigtingin pa ang focused military operations kasabay ng pagsasagawa ng mga programa sa pagpigil at paglaban sa violent extremism.