KALIBO, Aklan—Malaking balakid sa kasong kinakaharap ngayon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court ang kawalan niya ng preno sa kaniyang mga salita noon at mismong paglapastangan nito sa ICC.
Sa interview ng Bombo Radyo kay Atty. Jude Mangilog, secretary ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Aklan chapter, sinabi nito na ang isang malaking ebidensiya na kailangang sagutin ng kaniyang defense team ay ang direktang pagturo sa kaniya ng mga dating tauhan sa ginanap na hearing ng House of Representatives na may kaugnayan ang dating Pangulo sa mga nangyaring patayan sa inilunsad na war on drugs.
Dagdag pa ni Atty. Mangilog na nakadepende sa bigat ng ebidensiya at presentasyon o kalidad ng mga saksi na ipapaharap ang itatagal ng trial ng kaniyang kaso sa ICC kung kaya’t tinitingnan ang posibilidad na aabutin ito ng walo hanggang sampung taon.
Una rito, umapela ang defense team ni Duterte sa ICC Pre-Trial Chamber ukol sa admission process sa mga biktimang magbibigay ng testimonya kaugnay sa kasong crimes against humanity upang hindi bumagal ang proseso ng paglilitis at maisilbi ang karapatan ng dating Pangulo sa “speedy judicial process.”
Si dating Pangulong Duterte ay kasalukuyang nakapiit sa ICC detention facility sa The Hague, Netherlands mula nang inaresto siya noong March 11, 2025.