-- Advertisements --
ANAK NI CULLAMAT 2

Pinasinungalingan ni Southern Luzon Command Chief Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., ang naglabasang balita na di-umano ay nilapastangan ng mga otoridad ang bangkay ng 22-anyos na si Jevilyn Cullamat.

Si Jevilyn ay napatay sa naging sagupaan ng militar at New People’s Army (NPA) noong Nobyembre 28 sa Marihatag, Surigao Del Sur.

Mariing pinabulaanan ni Parlade ang naging akusasyon ng Makabayan bloc tungkol sa bangkay ni Jevilyn. Ipinagtataka raw nito ang mga naging pahayag ng Makabayan bloc dahil mismong si Jesryn Cullamat, kuya ni Jevilyn, ay nagpasalamat sa militar dahil sa kanilang respeto at pag-aalaga sa bangkay ng kaniyang bunsong kapatid.

Ayon pa sa tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ginagawa lamang daw ng naturang partylist ang propaganda na ito para itago ang kanilang koneksyon sa Communist Party of the Philippines (CPP) dahil dawit sa insidente ang bunsong anak ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat.

Bukod dito, walang nilalabas na paliwanag ang kampo ni Cullamat kung bakit isinakripisyo ni Jevilyn ang sarili niyang buhay para maging miyembro ng NPA.

Dagdag pa ni Parlade, wala pang record ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng human rights violations sa nakalipas na pitong taon.

Kung nais umano ng Makabayan block na imbestigahan ang insidente ay dapat na mag-focus na lamang ito kung bakit palagi na lamang iniiwan ng NPA ang bangkay ng kanilang mga napatay na ka-grupo.