-- Advertisements --

NAGA CITY – Lumabas na ang resulta ng postmortem examination o otopsiya sa bangkay ng tatlong bata na pinatay ng mismong ina sa bayan ng Basud, Camarines Norte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCpt. Eva Guiruela, hepe ng Basud-PNP, sinabi nitong incised wound ang ikinamatay ng mga biktima.

Ayon kay Guiruela, ginilitan sa leeg ang mga bata na naging dahilan ng pagkamatay ng mga ito.

Kaugnay nito, naisabay na aniya ang nasabing resulta ng otopsiya sa mga dokumento na magdidiin sa suspek na si Joan Majistrado sa kinasangkutang krimen.

Samantala, hanggang sa ngayon, nananatili pa rin ito sa ospital habang nakatakda aniya itong ikustodiya sa Basud-PNP sa oras na makalabas na sa naturang pagamutan.

Kung maaalala, kahapon nang sampahan na ng multiple parricide ang suspek habang ayon sa ina nito, inamin mismo ng kanyang anak ang nagawang krimen matapos nitong makausap ang kanyang kapatid.