Nag-uusap na ang pamilya ng dalawang biktima ni dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez na sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez para sa magiging hakbang, sa harap ng posibleng paglaya ng dating alkalde.
Ang convicted mayor ay pangunahing itinuturo sa brutal na pagpatay at panggagahasa kay Eileen, habang pag-torture at pagpatay naman kay Allan.
Ayon kay Maria Clara Sarmenta, ina ni Eileen, nais nilang tanungin ang Department of Justice (DoJ), kung anong option sa sitwasyong ito at kung nasunod nga ba ang proseso para sa commutation.
Aminado ang ginang na nanunumbalik ngayon ang sakit na kanilang nadama noon, pati na ang takot dahil sa posibleng gawin ng dating alkalde.
Sinasabing nabawasan ang mahigit 100 taong pagkakakulong na hatol kay Sanchez dahil sa “good conduct time allowance” na pinapayagan ng batas.