Tahasang inamin ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na trespassing ang ginawang paglayag ng mga Chinese warship sa karagatan ng Sibutu at Balabac Strait sa Tawi Tawi ng walang paalam sa Philippine government.
Ayon kay AFP Spokesperson BGen. Edgard Arevalo, ang pagpatay ng mga Chinese sa kanilang AIS , hindi paghingi ng diplomatic clearance sa Pilipinas at discreet ang kanilang galaw ay maituturing na security threat sa bansa.
Aniya, walang masama kung maglalakbay sila sa karagatan ng Pilipinas pero kailangang magpasintabi ang mga ito sa may-ari ng lugar gaya ng ginagawa ng ibang bansa kung dadaan ang kanilang mga barko o warship.
Batid na sa ngayon ng mga political leaders ng bansa ang ginawa ng mga Chinese at may kaukulang aksiyon ng ginagawa ang gobyerno ukol dito.
” Well unang una it could be considered in a sense trespassing because as we said earlier before you could, parang ano lang yan e, parang bakuran ng ating tahanan, bago may makikiraan, innocently kelangan dumaan, kelangan magpasintabi din ano sa may-ari ng maybahay, and that is the requirement that we ask of them to obtain diplomatic clearance before they passed through but since they did not observe this then definitely these are incursions,” wika ni BGen. Arevalo.
Binigyang-diin naman ni Arevalo na hindi naman hostile ang presensiya ng mga Chinese vessel sa lugar, dahil ng sitahin sila ng Philippine Navy nagsi-alisan agad ang mga ito.
Giit ni Arevalo ang mahalaga ngayon na alam ng mga Chinese na sila ay namomonitor ng AFP.
Sa ngayon inaalam na rin kung ano ang ginagawa ng mga Chinese warship sa lugar na maaaring nagsasagawa ng surveillance, research o survey.
Para kay Arevalo ang nasabing aksiyon ng China ay hindi ugali ng isang kaibigan o kapitbahay.
Sinasabi kasi ng China na kaibigan ang turing nila sa Pilipinas.
“As we were saying these are not hostile actions or these sailings although not covered with appropriate processes are by itself not hostile so it is we feel that it is sufficient that we were able to monitor them, report their presence, make them feel and understand that we saw them, that we have montiored them and in a manner we have established our sovereignty and authority by flying over them and making our process known,” dagdag pa ni Arevalo.