-- Advertisements --
boracay 3

KALIBO, Aklan – Hindi pa rin pinapayagan ang pagligo at iba pang beach activities sa Boracay sa ilalim ng extended general community quarantine (GCQ) sa Aklan.

Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista, batay sa kanyang ipinalabas na Executive Order No. 24, epektibo nitong Mayo 16 ay bawal pa rin ang pagtampisaw sa dagat at mga pampublikong swimming pools.

Ban din ang pag-ehersisyo kagaya ng pagtakbo, paglalakad, boating. Idagdag pa rito ang sunbathing at pagliliwaliw sa mga bar.

Katunayan aniya ay bantay-sarado ng mga otoridad ang isla para sa mga lalabag sa naturang guidelines.

Kahit binuksan na ang ilang commercial establishment sa isla simula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi, nananatiling sarado ang mga hotel, resorts at mga gym.

Mga residente lamang at ilang empleyado sa Boracay ang pinapayagang makapasok sa isla.

Nauna rito, sinabi ni Department of Tourism Undersecretary for Tourism Development Benito Bengzon Jr., na nakadepende sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases kung kailan bubuksan sa turismo ang Boracay at iba pang tourism destination sa bansa.

Sa kabilang dako, binuo umano ang Tourism Response and Recovery Program upang matulungan ang mga tourism enterprises na naapektuhan ng Coronavirus Disease 2019 pandemic kung saan ang ibibigay na ayuda ay nakapaloob sa economic stimulus act na tinatalakay pa sa Kongreso.