Iginiit ng Department of Agriculture na normal lamang ang “maliit” at “peewee”-sized na mga itlog tuwing panahon ng tagtuyot lalo na at umiiral ngayon ang El Niño sa bansa.
Ayon sa ahensya, ito ay natural cycle lamang sa Pilipinas tuwing tumataas ang antas ng temperatura.
Sa isang panayam, sinabi ni DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na kapag mainit ang panahon ay karamihan sa mga layer chicken ay stress dahilan para humina itong kumain.
Aniya, kapag mahinang kumain ang isang paitluging manok, kakaunti rin ang ilalabas nitong itlog at maging ang size nito ay maaapektuhan.
Tuwing taglamig naman aniya ay maganda ang produksyon ng itlog sa bansa kaya’t ito na aniya ang natural cycle at phenomenon kada taon.
Tiniyak naman ni De Mesa na sapat ang suplay ng medium at large size na itlog sa bansa.