Tiniyak ng mga miyembro ng Kamara de Representantes ang paglikha ng isang komprehensibo at pangmatagalang solusyon sa pagbibigay ng umento sa sahod.
Sa pulong balitaan na dinaluhan nina House Deputy Majority Leaders Faustino “Inno” Dy (Isabela, 6th District) at Jude Acidre (Tingog Party-list), at Assistant Majority Leader Maria Amparo “Pammy” Zamora (Taguig City, 2nd District), iginiit ng mga ito ang kahalagahan na masunod ang proseso sa pagtalakay sa komplikadong usapin ng pagtaas sa sahod ng mga manggagawa.
Binigyan diin ni Dy ang samut-saring hamon na kinakaharap ng mamamayan, na nangangailangan ng pinaka-angkop na solusyon, partikular na sa umento sa suweldo.
Sa kasalukuyan ay patuloy na tinatalakay ng House Committee on Labor and Employment ang ilang mga panukala na nagsusulong ng across-the-board wage hikes para sa mga manggagawa ng pribadong sektor, kabilang na ang dagdag na P150 sa daily minimum wage, na higit na mas mataas kumpara sa P100 umento na inaprubahan ng Senado noong Pebrero.
Pagtiyak pa ni Zamora, ang pagsisikap na ginagawa ng Mababang Kapulungan sa pagtalakay sa panukalang pagbibigay ng umento sa sahod na siya ring hinahangad ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sumang-ayon din si Acidre sa naging direktiba ng Pangulo sa wage board na muling suriin ang umiiral na minimum wage sa iba’t ibang rehiyon sa buong bansa, na isang katunayan ng pagmamalasakit ng pamahalaan sa pangangailangan ng mga Pilipino.
Ayon pa kay Acidre, kinakailangan ang maingat na pag-aaral sa pagpapataas ng sahod, lalo na sa mga panahong nahaharap sa hamon ang ekonomiya na maaaring makaapekto sa kakayahan ng mga negosyante sa karagdagang labor costs.