Patuloy na isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang paglikha sa Virology and Vaccine Institute of the Philippines (VIP) upang mapatatag ang kakayahan ng bansa pagdating sa vaccine development o paglikha ng mga bakuna.
Iminungkahi ito ni Gatchalian sa Senate Bill No. 941 o ang Virology and Vaccine Institute of the Philippines (VIP) Act of 2022.
Layon ng panukala na magtatag ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines na magsisilbing pangunahing research and development institute sa larangan ng virology.
Magiging saklaw ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines ang pag-aaral ng lahat ng viruses at viral diseases sa mga halaman, tao, at mga hayop.
Layon din ng naturang panukala na magsanay ng mga lokal na eksperto sa virology at bumuo ng mga akmang pasilidad.
Makatutulong ito sa mga mananaliksik upang magsagawa ng mga pag-aaral sa anumang virus at upang magabayan ang mga otoridad sa pagpapatupad ng mga akma at napag-aralang estratehiya.
Gagamitin ang mga pag-aaral ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines sa pagresponde sa mga sakunang may kinalaman sa kalusugan, kabilang ang pagsugpo sa mga nakakahawang sakit.