CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi na idinaan sa nakaugaliang tradisyon ng paniniwalang Islam ang paglilibing sa Patient No. 40 na tubong Ganassi, Lanao del Sur na pumanaw makaraang mahawaan ng coronavirus disease (COVID-19).
Ito ay upang mapabilis ang paghahatid sa huling hantungan sa 54-anyos na biktima at maiwasang magdulot ng pangamba sa publiko na makahawa pa ito ng iba pang mga residente sa Northern Mindanao.
Inihayag sa Bombo Radyo ni Department of Health (DoH-10) regional director Dr Adriano Suba-an na dumaan sa negosasyon ang pagpapalibing sa biktima.
Ipinaliwanag nito na kung masusunod lang sana ang gobyerno ay isasailalim ang labi sa cremation.
Subalit dahil isang Maranao-Muslim ang biktima, sinunod ng gobyerno ang ilang tradisyon mailibing lamang ito sa siyudad.
Kabilang sa napagkasunduan ay ang paglilimita sa mga kaanak at kaibigan na sasama sa libing at hindi na rin ng gagamitan ng kabaong.
Una rito, may kumakalat na mga larawan ng inilibing na ang bangkay ng biktima sa isang pampublikong sementeryo ng lungsod subalit hindi ito makumpirma dahil wala itong kumpirmasyon mula sa DOH-10 at sa iba pang mga kaukulang ahensya.
Namatay ang biktima nitong Biyernes ng gabi dahil sa iniindang acute respiratory distress syndrome mula sa severe pneumonia habang naka-confine sa Northern Mindanao Medical Center sa loob ng ilang linggo.