-- Advertisements --

Inianunsyo ng United Nations (UN) na nailikas na nila ang nasa 163 refugees mula sa Libya patungong Niger habang nasa mahigit 3,000 pa ang naiipit sa detention centers na apektado ng karahasan.

Ito ang kauna-unahang paglilikas ng UN sa mga refugees at migrants palabas ng Libya simula ng lumala ang kaguluhan sa Tripoli sa nakalipas na dalawang linggo.

“Given the situation in Libya, humanitarian evacuations are a lifeline for detained refugees whose lives are in jeopardy in Libya,” ani UN refugee chief Filippo Grandi.

Ang hakbang ay isinagawa ng UN dahil sa nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng pwersang sumusuporta kay Khalifa Haftar at ng Government of National Accord (GNA).

Sa nasabing labanan, mahigit 200 katao na ang napatay habang mahigit 900 ang sugatan, sang-ayon sa World Health Organization (WHO).

Mahigit 25,000 na rin ang displaced o nawalan ng tirahan batay sa data ng International Organization for Migration.