-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nananatiling pahirapan ang paglilinis sa mahigit 200 hectares ng mangrove at sea grass sa Caluya, Antique na apektado ng oil spill mula sa lumubog na barkong MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro.

Ayon kay Mr. Broderick Gayona-Train, head ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) Antique, ito aniya ang isa sa kanilang pinagtutuunan ng pansin katuwang ang Philippine Coast Guard at lokal na pamahalaan.

Ibang klase umano ang industrial fuel kung kaya’t nahirapan silang makuha ang mga kumapit na langis na nagdulot ng milyon-milyong halaga ng kalugihan sa LGU, negosyante at maging sa kabuhayan ng mga residente.

Kaugnay nito, inaasahan nilang may mga eksperto rin na pupunta sa kanilang lugar upang masuri ang sitwasyon ng kanilang dagat.

Sa kasalukuyan ay umiiral parin ang executive order ni Caluya mayor Rigil Kent Lim kung saan, pinagbabawalan ang mga mangingisda na pumalaot sa karagatang apektado ng oil spill.

Dagdag pa ni Train, tuloy-tuloy rin ang mga food pack assistance sa mga mamamayan at ang cash for work bilang alternatibo sa pansamantalang pagkawala ng kanilang kabuhayan.