Mahigit isang linggo mula nang malubog sa tubig-baha, umaabot na sa 80% ang nalinis ng City government ng Marikina mula sa naitambak na mga basura, putik, atbpa.
Sa nagpapatuloy na clearing operations na ginagawa ng LGU, nagiging pahirapan dito ang pagtanggal sa mga makakapal na putik, mga plastic, containers, debris, atbpa na inanod at tuluyang isinadsad ng tubig baha sa iba’t-ibang mga lugar.
Ayon sa LGU, marami sa mga ito ay naikalat sa mga pampublikong lugar, kalsada, residential at commercial areas, na kailangang maingat na tanggalin.
Halos lahat ng mga lugar sa Marikina na nalubog sa tubig-baha ayon sa LGU, ay may naiwang mga makakapal na lebel ng putik na pinaniniwalaang nagmula sa Marikina River.
Sa kasalukuyan, gumagamit na rin ang LGU ng dump truck, payloader, atbpang mga heavy equipment upang mapabilis ang clearing operation.
Una nang nalubog sa tubig-baha ang naturang lungsod kasunod ng labis na pag-apaw ng Marikina River dahil na rin sa ilang araw na walang tigil na pag-ulan nitong nakalipas na linggo.