Aapela ang Commission on Elections (Comelec) sa Korte Suprema na ilipat sa taong 2026 ang pagdaraos ng susunod na Barangay at Sangguniang Kabataan elections na itinakda sa unang linggo ng Disyembre sa 2025.
Ayon kay Comelec chairman George Erwin Garcia, nagdesisyon ang Comelec en banc na maghain ng motion for reconsideration sa desisyon ng Korte Suprema na dalawang taon na lamang o hanggang 2025 manunungkulan ang mananalong mga local official sa BSKE sa Oktubre ngayong taon matapos na ideklarang unconstitutional ng hukuman ang pagpapaliban ng BSKE noong Disyembre 5, 2022.
Paliwanag ni Garcia na dapat igalang ang tatlong taong termino ng mga mahahalal na local officials gayundin nais ng poll body na maging regular ang halalan.
Aniya, inaasahan na ihahain ang motion for reconsideration kapag natanggap na ng Comelec ang buong kopiya ng desisyon ng Korte Suprema.
Samantala, sakali man na ipagpatuloy ang BSKE sa 2025 sinabi ni Garcia na mangangailangan ang poll body ng supplemental budget.
Ang isinumite kasi aniyang pondo ng Comelec para sa 2024 ay para sa paghahanda sa automated national at local elections sa 2025 at hindi kasama dito ang pondo para sa paghahanda sa BSKE sa parehong taon na posibleng gawin ding automated dahil naisumite na sa Department of Budget and Management ang panukalang pondo bago pa man inilabas ng Korte Suprema ang desisyon nito.
Aniya, halos pareho lamang sa pondo ng automated national at local elections ang kakailanganing pondo sakaling gawing automated na rin ang BSKE.
Kung saan pumapalo sa P25 million ang magagastos para sa automated national at local elections dahil nasa humigit kumulang 128,000 automated voting machines ang kailangang rentahan para ma-cater ang tinatayang 71 million botante sa 2025.
Subalit kung magiging manual ang BSKE sa 2025 nasa P25 billion ang kailangan kung saan P6.5 billion dito ay para sa honoraria ng mga guro na magsisilbi sa halalan.
Kakailanganin din ng Comelec na magtakda ng mas maagang petsa para sa paghahain ng certificate of candidacy kapag natuloy ang BSKE sa 2025 dahil sa pagimprinta ng iba’t ibang balota para sa 45,000 barangay.