-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nakatakdang sasailalim na sa pamamahala ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang Cotabato City sa darating na Disyembre 15, 2020.

Ito ang kinumpirma ni Ministry of Interior and Local Government (MILG) Minister at tagapagsalita ng BARMM na si Atty Naguib Sinarimbo.

Sinabi ni Sinarimbo na ito ay base sa naging desisyon ng Inter-Governmental Relations Body (IGRB) sa ikalimang pagpupulong nito.

Nagpasalamat naman si Minister Sinarimbo kina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año at Finance Secretary Carlos Dominguez sa agarang pagpapatupad sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilipat na ang Cotabato City sa BARMM.

Ang Cotabato City ay napabilang sa BARMM sa bisa ng plebisito noong Enero 2019 kung saan nagwagi ang “YES to inclusion” kontra sa “NO.”

Matatandaan na ang paglilipat ng lungsod ng Cotabato sa BARMM ay tahasang kinwestyon ni Mayor Cynthia Guiani Sayadi kung saan nagsampa ito ng petisyon laban sa resulta ng plebisito at ito ay kasalukuyan pang nakabinbin sa korte.