-- Advertisements --

Iminungkahi ni Atty. Don Artes, chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng Metro Manila Film Festival (MMFF), na dapat kilalanin ang MMFF bilang isang national event at hindi lamang limitado sa Metro Manila.

Naniniwala siya na kung gagawing pambansa ang festival, matutulungan nitong malutas ang mga isyu tulad ng hindi pantay-pantay na distribusyon ng mga sinehan para sa mga pelikula.

Ayon pa kay Artes, ang isang pambansang MMFF ay magbibigay daan sa mas pantay na distribusyon ng mga sinehan sa buong Pilipinas at kakailanganin itong ilipat sa isang pambansang ahensya ng gobyerno, dahil ang hurisdiksyon ng MMDA ay saklaw lamang ang Metro Manila.

Bagamat naging matagumpay ang 50th MMFF, ay hindi nakamit ang inaasahang gross receipts, marahil aniya dahil sa pagbaba ng budget ng mga tao para manood ng mga pelikula at kakulangan ng mga pelikulang pambata.

Sa kabila nito, kinilala naman ni Artes ang ibang mga pelikula na nag-perform nang mabuti sa box office, kung saan lima hanggang anim na pelikula ang kumita nang malaki kumpara sa mga nakaraang taon. Binanggit din niya ang tagumpay ng pelikulang “Rewind,” na naging pinakamataas na grossing na pelikulang Pilipino noon hanggang sa ito’y nalampasan ng “Hello, Love, Again” noong Nobyembre 2024.

Tungkol naman sa 2025 Summer Film Festival, nagaalala naman si Artes kung kaya nilang matapatan ang antas ng promosyon at mga aktibidad na nakita sa 50th MMFF. Binanggit niya ang mga pangangailangan ng Summer Festival na dapat maipakita ng may parehong kasikatan.