Tinawag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. bilang ‘strategic’ at ‘game-changer’ ang naging hakbang ni PBBM na ilipat ang National Irrigation Administration (NIA) sa ilalim ng Office of the President (OP).
Ayon kay Laurel Jr, bagaman ang nature ng trabaho ng NIA ay naaakma sa DA, kailangan aniyang apurahin ang pagpapatubig sa mahigit isang milyong ektarya ng mga sakahan.
Dahil dito ay maituturing aniya na magandang diskarte ang naging hakbang ni Pang. Marcos na paglilipat sa ahensiya upang matiyak na makakatanggap ito ng sapat na pondo o budget.
Ayon sa kalihim, ang pangangailangan para sa agarang pagpapatubig sa mahigit 1.2 milyong ektarya ng sakahan ay mas matutugunan sa ilalim ng malaking pondong ilalaan ng OP, kasama na ang karagdagan pang resources ng naturang opisina.
Ang NIA ay dating nasa ilalim ng Department of Agriculture. Sa 2025, humihiling ang DA ng P512 billion na pondo kung saan malaking bulto nito ay ilalaan sa mga irrigation project ng NIA.
Gayunpaman, hindi ito pinagbigyan ng Department of Budget and Management (DBM) at mayroon lamang P200.2 billion na hiniling para sa DA, batay na rin sa 2025 budget proposal.
Ayon kay Laurel, tiyak na tutugunan ng OP ang pangangailangan ng NIA para sa mas maayos na serbisyo nito sa mga magsasaka at makatulong sa pagpapalakas sa produksyon ng pagkain.