Todo paliwanag ang Department of Education (DepEd) sa dahilan kung bakit napili nila ang Oktubre 5 bilang bagong petsa ng pasukan sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.
Matatandaang mula sa Agosto 24, inilipat ng DepEd sa nasabing petsa ang school opening sang-ayon sa naging tugon ng tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang rekomendasyon na ipagpaliban muna ang school opening.
Ito raw ay dahil sa implikasyon sa mga preparasyon para sa balik-eskwela ng umiiral na modified enhanced community quarantine sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.
Ayon kay Education Sec. Leonor Briones, minarapat na lamang nilang magbigay ng allowance dahil iba-iba ang hirit ng kanilang mga regional offices sa kung kailan dapat simulan ang pasukan.
“Actually, ang hiningi ng Region 4, up to September 7. Ang hingi ng NCR, one more week. Sa isip namin, mabuti nang magbigay tayo ng allowance,” wika ni Briones.
Sinabi pa ng kalihim, umaasa sila na gaganda na ang sitwasyon sa bansa pagsapit ng nasabing buwan sa kabila pa rin ng kinakaharap na coronavirus pandemic.
Ito rin aniya ang desisyon ng Pangulong Duterte dahil nais daw nito na mabigyan pa ng karagdagang oras upang mapabuti ang pangangalaga sa mga estudyante at mga guro.
“Iyon ang desisyon ng Presidente because he wants much time para ma-enhance ang proteksyon ng mga bata at mga teachers,” ani Briones.
Samantala, magsasagawa umano sila ng malaking adjustment sa school calendar, na nakatakdang magtapos sana sa Abril.
Aminado si Briones, malaking hamon para sa kanila ang gagawing pag-reprogram sa kalendaryo bunsod ng paghahanda para sa 2022 presidential elections, maging ang sunod-sunod na mga holiday.
“That has to be adjusted. It will be a very challenging task. Dalawang sets of holidays ‘yan e, Christmas and Holy Week,” anang kalihim.
Sa kabilang dako, umaasa ang ilang mga teachers group na magiging maganda ang kalalabasan ng pag-urong ng pasukan sa buwan ng Oktubre.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Raymund Basilio, secretary-general ng Alliance of Concerned Teachers, sana raw ay mas bigyang prayoridad pa ng DepEd ang mga guro na todo kayod sa kanilang preparasyon sa pagbabalik ng klase.
“Sana ay hindi po masayang ang panahon ito, mula ngayon hanggang October 5 ay igugol para tugunan ang pangangailangan para sa ligtas na pagbabalik-eskwela,” ani Basilio.
Sa panig ng DepEd, iginiit ni Briones na kanilang tinutulungan ang mga teachers na kumpirmadong dinapuan ng COVID-19.
Mangilan-ngilan na lamang din aniya ang mga teachers na kinapitan ng virus at mataas naman daw ang recovery rate ng mga ito.
“Iilan lamang na mga teachers at mataas naman ang recovery rate. Meron, of course, unavoidable na may pumapanaw pero may complicating illnesses. Ang alam ko, merong isa,” paglalahad ni Briones.
“Lahat ng nagkakasakit, tinutulungan natin, Hindi naman natin tinatanong kung sa DepEd building or webinar ba nila nakuha,” dagdag nito.