Nasa pagpapasya na ng Kongreso ang magiging kapalaran ng susunod na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ito ang naging tugon ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Erwin Garcia kasunod ng mga panawagan na ipagpaliban ang local elections na nakatakdang idaos sa Disyembre 1, 2025.
Paliwanag pa ng Comelec official na ang paglilipat ng petsa ng halalan ay isang absolute decision ng Kongreso basta’t ito ay alinsunod sa guidelines o criteria na inilatag ng Korte Suprema sakaling ipagpaliban at i-reset ito.
Ayon pa sa poll body chief na maaari lamang itong umaksiyon sa mga panukalang batas na nalagdaan na bilang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Una na ngang inihain ni Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte ang House Bill 10344 na naglalayong ilipat ang BSKE sa Oktubre 26, 2026.
Saad ng mambabataas na kailangan ang paglilipat ng BSKE sa later date dahil maikli lamang o 2 taon lang ang magiging panunungkulan ng mga ito sa halip na 3 taon kapag natuloy ang halalan sa susunod na taon.