Sinimulan na ng Sandiganbayan ang paglilitis sa kasong graft na inihain laban kina dating Department of Health Secretary Francisco Duque III at dating PS-DBM USec. Lloyd Christopher Lao kaugnay sa maanomaliyang paglilipat ng multi-bilyong halaga ng pondo para sa pagbili ng COVID-19 medical supplies at equipment.
Ito ay matapos na i-refer nitong Biyernes ang kaso sa first division ng anti-graft court na siyang tutukoy kung may probable cause para pahintulutan ang pag-isyu ng arrest order laban sa 2.
Matatandaan na naging subject ng imbestigasyon ng Ombudsman sina Duque at Lao matapos maghain ng reklamo sina Senator Risa Hontiveros at dating Senator Richard Gordon noong Mayo 8.
Giit ng mga Senador na dapat ang bids and awards committee ng DOH ang bumili na lamang ng kinakailangang mga suplay para matugunan ang COVID-19 pandemic nang hindi dumidepende sa PS-DBM para hindi na napatawan pa ng P1.659 bilyong service fee ng PS-DBM.
Una rito, naghain ang Ombudsman ng graft charges laban kina Duque at Lao noong araw ng Martes na inilabas lang ngayong Biyernes. Base sa criminal information na inihain sa Sandigabayan, nakasaad na ilegal at walang basehan ang paglilipat ng DOH ng P41 bilyong pondo sa PS-DBM sa kasagsagan ng pandemiya.