-- Advertisements --

Kumpirmado nang ililipat sa Caloocan police ang ilang mga police mula sa Davao City.

Sila ang magsisilbing pamalit sa mga pulis sa Caloocan na sinibak sa puwesto matapos masangkot sa serye ng kontrobersiya na may kaugnayan sa exta-judicial killings.

Ang paglipat ng ilang Davao police sa Caloocan ay batay sa ibinabang desisyon ni Philippine National Police (PNP) chief police director Gen. Ronalde Dela Rosa.

Hindi naman masabi ni PNP Spokesperson C/Supt. Dionardo Carlos kung ilang personnel mula sa Davao police ang ipapadala sa Caloocan.

Sinabi ni Carlos malalaman lamang kung ilang pulis mula Davao ang ililipat sa Caloocan at kung saan saan ito mangagaling kapag inilabas na ng PNP Directorate for Personnel and Records Management ang order.

Kung maaalala, ibinunyag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief police dir. Oscar Albayalde na lahat ng pulis na assigned sa Caloocan ay sisibakin sa puwesto pero by batches ang pagpapatupad.

Una nang sinibak ang nasa 297 police Caloocan mula sa Station 2,4 at 7, kung saan nasangkot ang mga ito sa pagpatay kina Kian Delos Santos, 17-anyos; Carl Angelo Arnaiz, 19; at Reynaldo “Kulot” de Guzman, 14.

Tiniyak naman ni Carlos na hindi magiging problema ang lenguahe dahil may training ang mga pulis sa kung paano ma-adopt ang kultura ng isang lugar.

Aniya, pansamantala lamang ang magiging set up ng mga pulis Davao sa Caloocan dahil ang gagawin nila ay rotation basis.