-- Advertisements --
espenido
Police Maj. Jovie Espenido

BACOLOD CITY – Welcome umano sa mga lokal na opisyal sa Bacolod at Negros Occidental ang paglipat ng Philippine National Police (PNP) kay Major Jovie Espenido sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Regional Office (PRO-6) spokesperson Lt. Col. Joem Malong, nilinaw nitong hindi qualified si Espenido na maging director ng Bacolod City Police Office dahil police colonel ang kailangan para rito.

Ayon kay Malong, natanggap na nila kahapon ang special order tungkol sa re-assignment ng outgoing Ozamiz City police chief ngunit hindi pa nakalagay na naka-assign na ito sa Bacolod kundi re-assigned sa PRO-6 mula sa PRO-10 epektibo nitong October 4.

Hiniling naman umano ni Espenido na i-delay ang kanyang paglipat upang pormal nitong ma-iturn-over ang kanyang pwesto sa kanyang successor.

Inihayag naman ni BCPO director Col. Henry Biñas na walang dapat ikabahala ang mga Bacoleño sa assignment ni Espenido sa lungsod.

Aniya, walang dapat katakutan kung walang ginagawang iligal.

Ayon naman kay Negros Occidental Vice Governor Jeffrey Ferrer, pabor ito sa assignment ni Espenido kung para ito sa kabutihan ng Bacolod at lalawigan at walang dapat ipangamba ang mga residente.

Naniniwala ang bise gobernador na may nakitang dahilan ang PNP headquarters kung bakit inia-assign si Espenido sa Bacolod.