Naglabas ng resolusyon ang Election Registration Board (ERB) ng Comelec-Taguig City, kung saan ibinasura ang aplikasyon ni Lino Cayetano at ng kaniyang asawa na si Fille Cayetano na lumipat ng rehistrasyon bilang botante mula sa Ikalawang Distrito ng Taguig patungo sa Unang Distrito ng Taguig-Pateros.
Sa 24-pahinang Resolusyon, sinuri ng ERB ang alegasyon ng mag-asawang Cayetano na 2 taon at 5 buwan na silang residente ng Pacific Residences, Brgy. Ususan, Taguig City.
Isa-isang tinalakay ng ERB ang ebidensiya ng sinasabing paglipat ng tirahan ng mag-asawang Cayetano.
Napansin ng ERB na hindi sila nagsumite ng mga ID na kadalasang ipinapakita bilang katibayan ng tirahan gaya ng Philsys ID, Postal ID, Driver’s License, NBI Clearence, GSIS/SSS or UMID ID, o Barangay ID. Walang paliwanag na ibinigay ang mag-asawa kung bakit hindi isinumite ang mga ID na ito.
Pasaporte lamang ang isinumite ng mag-asawang Cayetano bilang dokumento ng pagkakilanlan na may nakasulat na address.
Subalit ang mga pasaporte ng mag-asawa ay hindi tumutugma sa alegasyon nila. Naisyu ang passport ni Lino noong Oktubre 2021 samantalang ang kay Fille ay noong Nobyembre 2018 o sa mga panahong hindi pa sila residente diumano ng Pacific Residences.
Nagsubmit din sila ng logbook ng security guard ng Pacific Residences na nagpapakitang pumasok sa loob ng village si G. Cayetano. Ang petsa ng logbook ay Oktubre 2024. Walang ibang entry sa logbook na pumapasok sila anumang petsa bago Oktubre 2024.
May isang billing statement din ng PLDT para sa buwan ng Oktubre 2024. Hindi malinaw kung may ibang billing statements pa bago Oktubre 2024 o kung unang billing statement lamang ito. Kung gayon, hindi nito mapapatunayan na matagal na silang naninirahan sa Pacific Residences.
Hindi rin binigyang bigat ng ERB ang di-umano ay sub-lease ng mag-asawa sa unit ng Pacific Residences. Pinansin ng ERB na ang main lease contract ay may bisa ng isang (1) taon lamang mula 22 April 2021 subalit ang sub-lease ay may taning ng limang (5) taon simula Abril 2022 o pagkatapos ng bisa ng main lease contract. Kung expired na ang main lease contract, hindi maaaring magkaroon ng sub-lease. Bukod dito, ipinagbabawal sa main lease contract ang sub-lease nang walang pahintulot ng lessor. Subalit sa sub-lease contract ay hindi nakalakip ang kinakailangang pahintulot ng lessor.
Hindi rin mapapaniwalaan ang deposit slips na di-umano ay bayad ng mag-asawa sa sub-lessor, dahil nakapangalan ang mga ito para sa account ng lessor at hindi ng sub-lessor. Bukod dito, ang deposit slips ay para sa buwan ng Enero 2023 hanggang Abril 2024 lamang, at walang paliwanag para sa ibang buwan na dapat ay sakop ng sub-lease na Abril 2022 hanggang Abril 2027.
Sa pagtimbang naman ng mga testigo, binigyang halaga ang sinumpaang salaysay ng mga kapitan ng barangay. Ang kapitan ng Brgy. Ususan ay nagpatunay na hindi niya nalaman na lumipat sa kanilang barangay ang mag-asawang Cayetano. Ang Kapitan ng Brgy. Fort Bonifacio ay nagbigay din ng sinumpaang salaysay at inilahad niya na alam niyang maraming tirahan sa Taguig ang mag-asawang Cayetano at ang mga ito at matatagpuan lahat sa BGC sa loob ng Brgy. Fort Bonifacio. Pinagdiinan ng ERB na ang dalawang kapitan ay tumakbo noong eleksiyon ng Oktubre 2023, at umikot sa kani-kanilang barangay habang nangangampanya. Dahil dito, masasabing mayroon silang malawak na kaalaman kung sino ang mga kilalang botante sa kanilang lugar.
Ang mga oppositor sa paglipat ng rehistrasyon ay nagsumite ng mga testimonya ng ilang residente sa Pacific Residences na nagsabing hindi nila nakikita sa kanilang village ang mag-asawang Cayetano. Sa kabilang panig, nagsumite rin ang mag-asawang Cayetano ng sinumpaang salaysay ng mga nagpakilalang residente rin ng Pacific Residences at nagsabing nakikita nila ang mag-asawa sa Pacific Residences. Ang malaking kaibahan sa dalawang panig ay ang maagang pagsumite ng testimonya ng mga saksing oppositors. Naisumite ang kanilang sinumpaang salaysay bago maganap ang pagdinig ng ERB at dumating sila sa mismong pagdinig ng ERB upang matanong ng ERD. Ang mga saksi ng mag-asawang Cayetano ay hindi dumating sa pagdinig ng ERB, at lumitaw lamang ang kanilang sinumpaang salaysay bilang annex ng Position Paper ng mag-asawa na isinumite matapos ang pagdinig na isinagawa ng ERB.
Sapagkat hindi nabigyan ang ERB ng pagkakataon na matanong ang mga testigo ng mag-asawang Cayetano, minabuti nitong busisiin ang kanilang voter registration record upang matukoy ang kanilang address. Sa 10 testigo, 8 ang hindi naglakip ng ID sa kanilang sinumpaang salaysay na magpapatunay na sila ay nakatira sa Pacific Residences. At sa 10 ito, 2 lamang ang rehistradong botante ng Brgy. Ususan. Bukod dito, apat (4) sa kanila ang walang record na botante. Dahil sa hindi mapatunayan ng mga testigo ang kanilang alegasyon na residente sila ng Pacific Residences, na siyang batayan ng kanilang pahayag na naninirahan ang mag-asawang Cayetano sa naturing lugar, binale wala ng ERB ang kanilang testimonya.
Sa kabilang banda, ang limang (5) testigo ng oppositors ay nagpatunay na sila ay matatagal ng residente ng Pacific Residences at tahasang sinabi nila na wala sa Accord St. ang sinasabing address ng mag-asawang Cayetano. Sa halip ito ay matatagpuan sa Almond St.
Upang matiyak ang eksaktong lokasyon ng address ay nagpapunta and ERB ng tauhan sa Pacific Residences. Apat na beses pinuntahan ang lugar at natiyak na: (a) ang sinasabing address ay nasa Almond St; (b) magkaiba ang Almond St. at Accord St.
Sinuri din ng ERB ang voter data base ng Taguig. Napag-alaman nila na maliban sa mag-asawang Cayetano, wala ni isang botante sa lugar na iyon ang naglagay ng “Accord St.“ bilang address. Bagkus ay “Almond St.” ang ginagamit ng mga botante na nakatira sa kalyeng tinutukoy ng mag-asawa.
Ikinatwiran ng ERB na kung totoong matagal na silang residente sa Pacific Residences, hindi sila maaring magkamali kung saang kalye matatagpuan ang kanilang unit. Kaduda-duda kung ganoon ang kanilang pag-angkin ng paninirahan sa Pacific Residences, gayong hindi man lang nila matiyak ang kalye kung saan ito matatagpuan.
Matapos talakayin ang ebidensiyang isinumite, tinalakay ng ERB ang legal na kahulugan at pangangailangan ng “residence” o “domicile” sa konteksto ng pagpaparehistro bilang botante.
Ang “domicile” o “residence” ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng intensyon na permanenteng manirahan sa isang tiyak na lugar na may kaakibat na personal o aktwal na pamamalagi doon. Ang pamamalagi sa lugar ay dapat ipakita sa regular at palagiang paraan; hindi sapat ang panaka-naka o paminsan-minsang pagbisita sa lugar.
Sa ebalwasyon ng ERB, kulang na kulang ang ebidensiya upang itinuring na ‘residence’ o ‘domicile’ ng mag-asawa ang Pacific Residences.
Ipinaliwanag ng ERB na doktrina ng batas na iisa lamang ang maaaring ‘residence’ o ‘domicile’ ng isang indibidwal. Sa kaso ng mag-asawang Cayetano, hindi ito ang Pacific Residences sapagkat walang ebidensiyang tumutukoy na aktuwal silang naninirahan dito at wala rin silang intensyon na gawin itong tirahan. Ni wala nga silang ibinigay na mga litrato na nagpapakitang may mga mahahalagang okasyon silang ginanap sa loob ng Pacific Residences. Sa kabilang dako, puno ang kanilang social media posts ng mga pangyayaring ginaganap sa mga tirahan nila sa BGC.
Mabigat din ang ibinigay na halaga ng ERB sa pagboto ng mag-asawang Cayetano sa Brgy. Fort Bonifacio noong 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections. Nagpapakita ito na walang intensyon ang mag-asawa na i-abandona ang Brgy. Fort Bonifacio bilang legal na tirahan. At kinumpirma ang ganitong intensiyon noong umupa sila ng unit sa Essensa East Forbes Condominium nito lamang Mayo 2024. Ang ganitong mga pangyayari ay taliwas sa kanilang alegasyon na balak nilang iwan ang Brgy. Fort Bonifacio upang lumipat sa Brgy. Ususan.
Biling huling salita, ipinaliwanag ng ERB na ang Resolusyon nito ay hindi bumabawi sa karapatan ng mag-asawang Cayetano na bumoto sa eleksiyon. Ang tinanggihan lamang ay ang hiling nila na lumipat ng rehistrasyon sa Brgy. Ususan sapagkat hindi sila residente dito. Nananatili silang botante ng Brgy. Fort Bonifacio.