-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Malaking suliranin ngayon para sa lokal na pamahalaan ng Guinobatan, Albay ang pagpapatayo ng relocation site para sa mga evacuees na naapektuhan ng pagragasa ng lahar deposits sa kasagsagan ng bagyong Tisoy.

Paliwanag ni Mayor Gemma Onjoco sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na may available nang lupa na maaaring malipatan ng nasa 50 pamilya na natabuhan ng lahar ang tahanan subalit walang pondo ang local government unit sa pagpapatayo ng mga bahay.

Aniya nasa 200 hanggang 300 na bahay ang maaaring maipatayo sa naturang lupa subalit hindi kaya ng LGU na saluhin ang gastos para sa proyekto.

Dahil nito, pinulong ng alkalde ang naturang mga residente ay binigyan ng permiso ang mga ito na magpatayo na ng kanilang mga bahay sa lote na nasa Barangay Mauraro.

Samantala, umaasa naman si Onjoco na maipapatayo na sa lalong madaling panahon ang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na 2,000 units ng pabahay para sa mga Bicolano na naapektuhan ng naturang sama ng panahon.