Labag sa batas ang paglilipat ng pagdiriwang ng Ninoy Aquino Day ayon kay Albay Representative Edcel Lagman.
Batay kasi sa Proclamation No. 665, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ilipat ang Ninoy day na isang non-working holiday mula sa araw ng Miyerkules, Agosto 21 sa araw ng Biyernes, Agosto 23 para sa mas mahabang weekend na magpo-promote aniya ng domestic tourism habang pinapanatili ang makasaysayang kahalagahan nito.
Subalit paliwanag ng mambabatas na ang isang pagbabago na nakakaapekto sa public holiday ay dapat na gawin 6 months prior sa pamamagitan ng isang proclamation.
Iginiit din ni Cong. Lagman na ang mga petsa ng national memorials ay hindi dapat palitan para lamang mapalabnaw ang kahalagahan nito at mailapat ang rebisyon.
Inihalimbawa din nito na tulad ng petsa para sa pasko, bagong taon, pag-alala sa EDSA revolution, Labor day at kapiyestahan ng Immaculate Conception ay hindi din maaaring palitan ang petsa para sa Ninoy Aquino day.
Ikinatwiran pa ng mambabatas na mayroong requirements na itinakda sa ilalim ng Republict Act No. 9492 na naisabatas noong 2007 bago mailipat ang public holidays.
Sa huli, binigyang diin ng mambabatas na dapat alalahanin ang araw ng kamatayan ni Ninoy Aquino sa mismong araw ng kaniyang asasinasyon sa Agosto 21 dahil wala aniyang holiday economic o pagpapalakas ng domestic tourism ang mag-aalay ng kandila para sa kabayanihan ng yumaong dating Senador.