BUTUAN CITY – Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga tauhan ng Butuan City Health Office at ng contact-tracing team upang matumbok ang nagbigay ng clearance dahilan ng paglisan mula sa Masao Port sa Brgy. Lombucan nitong lungsod ng Butuan ng MV Tug Clyde at barge Claudia na may lulang 20 mga crews at nakatakdang dadaong sa isang pribadong pantalan ng Brgy. Lidong, Sto. Domingo, sa lalawigan ng Albay.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Butuan City government spokesperson Michiko de Jesus na dumating sa Masao port ang naturang tug boat noong Hulyo a-14 mula sa Indonesia karga ang carbon ng isang cement company ng Albay.
Nilinaw din ng opisyal na hindi taga-Butuan City ang na-hire na molecular laboratory ng management ng barko para sa swab test ng kanilang mga tripolante kundi mula sa ibang lugar at huli na, dahil nang lumabas ang resulta na 12 sa mga crews ang COVID-19 positive, ay lumisan na ito.
Kaagad namang nakipag-coordinate ang Butuan City government sa lokal na pamahalaan ng Zamboanga City matapos malamang umuwi don ang isa sa mga crews na COVID-positive din na kaagad naman umanong na-extract at na-isolate na.
Dito naman sa Butuan City ay na-isolate na rin ang mga personahe ng national government agencies na umakyat sa nasabing barko upang matiyak na hindi sila makakahawa lalo na’t patuloy pang kinumpirma ang mga pangambang Delta variant ang dumapo sa kanila.