KALIBO, Aklan— Pinawi ng 1st Boracay Master Diver’s Association Incorporated ang pangamba ng mga turista sa muling paglitaw ng algae o lumot sa dalampasigan sa isla ng Boracay.
Ayon kay Louie Aron, tubong Boracay at supervisor ng nasabing asosasyon, normal lamang aniya ang paglabas ng algae lalo na’t papalapit ang summer season.
Noong 1980’s aniya na hindi pa libo-libong mga turista ang naliligo bawat araw sa dagat ay kinakain ng mga isda ang lumot at mabilis itong lumago lalo na kung hindi maalon ang dagat.
Dagdag pa ni Aron, hindi na balanse ang ecosystem sa Boracay ngunit tiniyak nito na malinis at ligtas na paliguan ang dagat.
Unti-unti aniyang mawawala ang algae sa paglipas ng mga araw ngunit makikita pa rin ito sa dalampasigan na magtatagal hanggang buwan ng Mayo.
Tiniyak nito na walang dapat ikabahala ang lahat dahil sa nananatiling malinis ang Boracay at itinuturing na natural phenomenon ang paglitaw ng mga lumot na ayon pa sa mga matatanda ay nagmamantini sa maputi at pinong buhangin na binabalik-balikan ng mga turista sa isla