LEGAZPI CITY – Nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang bahagi ng abiso hinggil sa pagliliwanag na nakita sa bahagi ng usok na inilabas ng bulkang Bulusan kaugnay ng phreatic eruption nitong nakalipas na araw.
Batay sa abiso may incadescence o pagliliwanag na nakita sa usok na lumalabas sa bahagi ng Brgy. Inlagadian, Casiguran.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Phivolcs Director Usec. Renato Solidum, normal itong nangyayari kung mainit ang gas na lumalabas, nagkaroon aniya ng friction kung kaya umilaw subalit hindi ito magma.
Kung babalikan, isa ang magmatic activity sa mga tinitingnang parametro kung posibleng itaas ang alert level sa Bulusan volcano.
Sa kasalukuyan ayon kay Solidum, wala pang nakikitang magmatic activity sa nasabing bulkan kaya mananatili sa Alert Level 1 o low level of unrest ang Mt. Bulusan.