CAGAYAN DE ORO CITY – Ikinaalarma ng Department of Health (DoH)-10 ang malaking paglobo sa kaso ng dengue sa Northern Mindanao.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Tristan Labitad, research epidemiology surveillance and response unit (RESDRU) cluster head ng DOH 10, sinabi nito na mula buwan ng Enero hanggang Hulyo kanilang natala ang 11,220 na kaso sa dengue.
Mas mataas umano ito nang 52.59 percent kung ikumpara sa datos ng nakaraang taon.
Sa nasabing bilang, 40 nito ang namatay kung saan 10 ang nagmula sa Misamis Oriental.
Ayon kay Dr. Labitad, karamihan rin sa mga nagpositibo sa nakakamatay na sakit ay nagmula sa probinsiya ng Bukidnon kung saan mga batang lalake ang kadalasang nagkasakit.
Aniya, ito ang dahilan kung kaya’t kanilang inilunsad ang malawakang kampaniya laban sa mga lamok na nagtataglay nang sakit na dengue lalong-lalo na ang clean up operation sa mga kabarangayan.
Nauna rito, idineklara ni Health Secretary Francisco Duque III ang nationwide dengue alert dahil sa mabilis na paglaki ng bilang ng mga kaso ng dengue sa buong bansa.