Kinuwestiyon ng ilang senador ang paglaki ng pondo na hinihingi ng Department of Environment and National Resources (DENR) para sa kanilang reforestration program.
Partikular na tinukoy ni Sen. Imee Marcos ang national greening program na pinapopondohan ng DENR sa susunod na taon ng P5.15-bilyon.
Ito ay mas mataas ng 60% kumpara sa budget ng programa ngayong taon na nasa P3.15-bilyon lamang.
“Tanim nang tanim lang ang DENR. Tusok lang ng tusok sa lupa at sa bundok eh wala namang tumutubo,” wika ni Marcos sa ginanap na pagdinig sa Senado sa proposed P25.5-billion budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa 2021.
Sinabi ni Marcos, taon-taon ay tumataas ang pondo ng programa ngunit mistulang wala naman daw nangyayari kaya tila nagsasayang lang daw ng pondo ang pamahalaan.
Taon-taon din aniya ay hindi nakakamit ang mga layunin ng programa sa kabila ng pagbuhos ng pondo.
Ang naturang programa ay isang inisyatibo na inilunsad noong 2011 na naglalayong magtanim ng 1.5-bilyong puno sa 1.5-milyong ektarya ng lupa sa loob anim na taon mula 2011 hanggang 2028.
Ayon kay Forest Management Bureau Director Lourdes Wagan, nakapagtanim na raw ang DENR ng mahigit sa 1.7-bilyon na mga puno sa nasa 2-milyong ektarya ng lupa.
Pero bingyang diin ni Marcos, nakakalbo pa rin ang mga kagubatan.
“Every year we put billions into this project for almost a decade. Everywhere in the Philippines, we know that the forest cover has been severely diminished or compromised,” ani Marcos.
“Ang tanong ko lang, may malawakang pagbabago ba ang pag-implement nitong programang ito, kasi kung tuloy-tuloy na ganito, sayang lang, dinagdagan pa natin sa taong ito,” dagdag nito.
Bunsod nito, ipinasusumite ni Marcos sa DENR ang detalye kung papaano nila balak gamitin ang pondo para sa greening program.
Sinabi naman ni DENR Sec. Roy Cimatu na magkakaroon daw ng malaking pagbabago sa nasabing programa.
“I had made a drastic policy on this National Greening Program because I think it was too ambitious. Padamihan ng hectares ang pinaguusapan,” ani Cimatu.
“We have to do something dito… ‘Yung areas sa regions in the country na hindi talagang pwedeng magtanim ng mga native trees ay ‘wag na nating pilitin. I-concentrate natin,” dagdag nito.