-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Pinatunayan lang na hindi sagot ang pamimigay ng mga ayuda sa maraming pamilyang Filipino upang takas ng gobyerno ang kaso ng kagutuman na randam sa malaking bahagi ng bansa.

Ito ang reaksyon ng grupong Bantay Bigas patungkol sa inilabas ng Social Weather Stations survey kung saan nasa 7.5 million house holds o 27.2 percent na mga pamilya ang aktuwal na nakaranas ng gutom kahit pinaigting pa ang pamamigay ng umano’y mga ayuda.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo na hindi totoo na panglutas ng gutom ang ipinamagmalaki ng pamahalaan na pamimigay ayuda dahil alam ng lahat na ‘band aid’ solution at hindi pangkalahatan na pagpigil sa kahirapan.

Patunay umano ito na ang mga programa na isinulong ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr ay walang kakayahan na tugunan ang lumala na suliranin ng bansa na tumagal ng maraming mga taon bago pa man nakaupo sa Malakanyang.

Magugunitang sa nasabing survey na ginawa ng tatlong buwan na nakalipas nitong taon,inihayag na ito ang pinakamataas na naitala mula nang makaiwas at bumangong muli ang Pilipinas sa tumama na pandemya dala ng COVID-19.

Napag-alaman na maraming bahagi ng bansa ang nabisita ng Pangulong Marcos upang abutan ng tulong-pinansyal at ibang pangkabuhayan ang mga sector na matinding tinamaan ng kahirapan.