Ikokonsulta umano ng Department of Health (DOH) sa mga alkalde ng Metro Manila at sa iba pang mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) ang pagluluwag ng age restriction.
Ito’y makaraang ianunsyo ng Malacañang na papahintulutan nang makalabas ang mga nasa edad 10 hanggang 65 na nakatira sa mga lugar na nasa modified GCQ.
Una nang sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque, batay sa Inter-Agency Task Force (IATF), epektibo ang nasabing kautusan simula Pebrero 1.
Ayon naman kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, magkakaroon muna ng konsultasyon ang kagawaran sa mga alkalde sa mga lugar na nasa GCQ patungkol sa naturang direktiba.
Maliban sa Metro Manila, ang iba pang mga lugar na nasa GCQ hanggang sa katapusan ng buwan ay ang Isabela, Santiago City, Batangas, Iloilo City, Tacloban City, Lanao del Sur, Iligan City, Davao del Norte, at Davao City.
“For GCQ areas like Metro Manila, ito ay in consultation muna with local chief executives,” wika ni Vergeire.