-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Department of Transportation (DOTr) na itutuloy ang ipatutupad na pagpapaluwang ng physical distancing rules sa pampublikong transportasyon upang ma-accommodate ang mas marami pang pasahero.

Una rito, sa guidelines na inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF), babawasan ang pagitan ng commuters sa loob ng public transportation sa 0.75 meters mula sa kasalukuyang isang metro.

“Bagamat pinayagan na, minabuti ni Sec. Tugade na iimplement ito sa isang prudent at gradual na pamamaraan,” wika ni DOTr Usec. Artemio Tuazon Jr.

“Ang mga bagong protocol na ito ay ipatutupad na namin simula sa Lunes.”

Ayon pa kay Tuazon, niliitan nila ang physical distancing sa loob ng mga sasakyan para mas maraming pasahero ang makasakay lalo na sa mga modernong jeepney at mga bus.

“Nakita namin na puwede namang liitan ang pagitan ng mga pasahero basta nandoon pa rin ang health protocols katulad ng face mask, face shield, handwashing, at thermal screening bago sumakay,” ani Tuazon.

Ibig sabihin, puwede pang magpasakay ng tatlo pang mga pasahero sa mga modern jeepney, habang maaari nang taasan ng mga bus ang kanilang kapasidad mula sa 24 o 25 mga pasahero hanggang sa 36.

Bababa sa 0.5 meters ang distansya matapos ang dalawang linggo, hanggang sa 0.3 matapos naman ang 14 na araw.

Ang binawasang social distancing ay ipatutupad din sa mga railway systems tulad ng Light Rail Transit at Metro Rail Transit.

Sinabi naman ni Usec. TJ Batan, ang Pilipinas na lamang ang tanging bansa na nagpapatupad ng isang metrong distancing protocol sa loob ng mga tren, ayon sa international rail transport body na UIC.

Pero maliban sa obserbasyob ng UIC, ibinase rin aniya nila ang kanilang rekomendasyon sa mga pag-aaral na kanilang ginawa.

“Nag-simulate tayo gamit ang chalk dust kung ano talaga ang transmission rate na nangyayari sa loob ng isang bagon. Nandyan din ang mga health experts na nagpresent sa IATF ukol sa epekto ng ibang measures para makontrol ang pagkalat ng COVID-19,” ani Batan.