Welcome sa Commission on Human Rights (CHR) ang pagkakalusot sa Senado sa ikalawang pagbasa ng panukalang batas na nagdedeklarang iligal sa child marriage o maagang pag-aasawa ng mga menor-de-edad sa bansa.
Kahapon nang pumasa sa second reading ng mataas na kapulungan ang Senate Bill No. 1373 o “Girls Not Brides Act.”
Sa pahayag ng CHR, mas tumaas daw ang bilang ng mga batang nasasadlak sa kahirapan dahil sa nararanasang coronavirus pandemic.
Dahil dito, ang mga kabataang babae sa pinakamahihirap na komunidad ang mas lantad sa maaga o sapilitang pagpapakasal.
Kaya naman, iginiit ng ahensya na dapat pang magkaroon ng agaran at mas malakas na proteksyon para sa mga bata laban sa posibleng pang-aabuso sa pamamagitan ng pagpapataw ng parusa sa sinumang masasangkot sa naturang gawain.
“The CHR reiterates its previous stand on this issue that marriage before the age of 18 is a fundamental violation of the rights of a child that impacts every aspect of a child’s dignity and life,” pahayag ng CHR.
“Child marriage undermines girls’ health including sexual and reproductive health rights and increases the risk of sexual and gender-based violence. Furthermore, early marriage interrupts girls’ education and compromises their political and economic participation,” dagdag nito.
Umaasa naman ang CHR na ang naturang panukala ay makakapasa sa dalawang kapulungan ng Kongreso sa lalong madaling panahon.