LEGAZPI CITY – Umalma si Albay Representative Edcel Lagman sa hindi umano tamang proseso na dinaanan ng pagpasa sa ikalawang pagbasa ng House Bill (HB) No. 5477 o kilala bilang Malasakit Center bill sa Kamara.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lagman, tahasang tinawag nitong “brasuhan” ang nangyari at nakialam umano sa proseso si Senator Christopher “Bong” Go.
Ayon kay Lagman, nasa 18 magkakaugnay na panukala para sa Malasakit Center ang inihain sa House Committee on Health sa pamumuno ni Quezon City Rep. Helen Tan subalit kinausap umano ito ni Go na gayahin na lamang ang bersyon nito nang hindi na dumaan sa bicameral conference.
Dahil hindi naman pumayag si Tan, naniniwala si Lagman na dumiretso na si Go sa House leadership para sa pag-“fast track” ng panukala.
Kabilang sa mga kinukwestiyon ni Lagman, ang mistulang pambabastos sa committee system dahil sa umano’y minadaling deliberasyon sa plenaryo.
Imbes aniyang maiging pagdebatehan ang consolidated version ng panukala dahil maraming probisyon ang iba sa bersyon ni Go, kagyat itong natapos at nagbaba ng substitute bill na kahit si Tan ay hindi nakatanggap ng advance copy.
Kulang rin aniya ang oportunidad na maiging mabasa ang kopya para sa posibleng proposal ng individual amendments at itinuloy ang botohan sa kabila ng kakaunting bilang ng mga mambabatas na dapat bumoto.
Naniniwala rin itong hindi malayong magtuloy-tuloy na ang naturang panukala hanggang sa ganap na maisabatas sa pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte.