CAGAYAN DE ORO CITY – Patuloy na nagsusulputan ang mga dating miyembro upang maghain ng reklamo sa pulisya laban sa Jocals 688 Health and Beauty Wellness Trading Incorporated sa Lungsod ng Cagayan de Oro.
Ito’y matapos maaresto ang isa sa umano’y manager ng Jocals, ang founder Joshua Calderon na si Rodel Patalinghug na kabilang sa nasampahan ng kasong large scale estafa sa korte ng lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Police Executive Master Sgt Glenn Pallugna ng Nazareth Police Station na dagdag 100 complainant ang dumulog sa kanila upang maghain din ng katulad na reklamo.
Sinabi ni Pallugna na maging si Calderon ay kabilang sa nasa warrant of arrest sa katulad na kaso kaya pinaghahanap rin ng pulisya.
Sa ngayon, hindi pa sigurado kung nagpakita na ang grupo ni Calderon sa korte upang makapaglagak ng piyansa para sa kanilang pansamantalang kalayaan habang lilitisin ang kaso sa sala ni Regional Trial Court Branch 21 Presiding Judge Gil Bollozos.