-- Advertisements --

Ipinapaubaya na ng Malacañang sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang imbestigasyon hinggil sa testimonya o pagbubulgar ni Peter Joemel Advincula alyas Bikoy kaugnay sa paratang nito na sangkot ang ilang miyembro ng pamilya Duterte at si dating Special Assistant to the President (SAP) Bong Go sa sindikato ng droga.

Ngayong hapon, humarap sa media si Bikoy sa tanggapan ng Integrated Bar of the Philippines sa Pasig City para magpakilalang siya ang nasa likod ng mga viral videos laban kina Presidential son Paolo Duterte, Manns Carpio na manugang ni Pangulong Rodrigo Duterte, at Go hinggil sa illegal drugs trade.

bikoy1

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, pakikinggan at aabangan din nila ang mga ihahayag ni Bikoy at mga susunod na developments.

Pero ayon kay Sec. Panelo, ang mga videos na ini-upload ni Bikoy ay pawang black propaganda laban sa administrasyon.

Inakusahan aniya ni Bikoy si Bong Go na may tattoo sa likod bilang patunay na miyembro ng drug syndicate, pero napabulaanan nang maghubad ng damit at ipinakita sa media ang likod na walang tattoo ng dragon.

Kaya kumbinsido umano ang Malacañang na pawang kasinungalingan lamang din ang sasabihin ni Bikoy.