-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Pinapayaman pa ng husto ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr ang rice traders,importers at pribadong sektor kaysa papanigan ang maralitang mamamayan na kinabilangan ng malawak na bilang ng mga magsasaka.

Karagdagang pagtuligsa ito ng grupong Bantay Bigas at Amihan National Federation of Peasent Women patungkol sa inilabas na executive order no.20 ni Marcos na pagluwag sa rice importation policies ng bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Cathy Estavillo sa nabanggit na grupo na malaking salungat ito sa totoong estado ng bansa na isang agriculture country subalit masyadong umaasa sa importasyon ng mga produktong agrikultura katulad ng bigas.

Aniya,dapat prayoridad ng pamahalaan kahit sino pa man ang magiging upo na pangulo ang sektor ng agrikultura sapagkat matagal nang napag-iwanan ng ibang Asian nations na dati ay sa Pilipinas pa kumukuha ng agriculture inputs.

Magugunitang nagsilbing number 1 rice importer ang Pilipinas sa kasalukuyang taon kumpara sa ibang naglalakihang mga ekonomiya sa buong mundo.