Ikinalungkot ng kapitan ng bangkang pinalubog ng Chinese vessel sa Recto Bank sa West Philippine Sea ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa naturang insidente.
Sa isang panayam, sinabi ni Joel Insigne na ikinalulungkot niya ang tila pagbalewala ni Pangulong Duterte sa pagbangga sa kanilang bangka ng Chinese vessel noong Hunyo 9.
Tila nangangahulugan lamang daw ang pagmamaliit ni Pangulong Duterte sa insidenteng ito na kailangan na hintayin na may mamatay daw muna sa kanilang mga mangingisda para maging mas matapang ang posisyon sa naturang usapin.
Nabatid na matapos banggain, iniwan ng Chinese vessel sa dagat sina Insigne at 21 iba pang crew members ng F/B GEM-VIR 1.
Inabot pa raw ng tatlong oras bago nadaan sila at ni-rescue ng isang Vietnamese vessel.
Sa isang speech kagabi, o mahigit isang linggo pagkatapos mangyari ang naturang insidente, sinabi ni Pangulong Duterte na maituturing na “little maritime accident” lamang ang ito at inatasan ang Philippine Navy na huwag makialam.