Ipinagmalaki ng Land Transportation Office (LTO) na mas pinaganda pa ang kanilang Land Transportation Management System (LTM) at Driver Education Program sa pamamagitan ng online management system.
Ito ay para mas paigtingin pa ang ginagawang pagbabantay ng ahensya sa mga paglabag at penalties na kahaharapin ng mga pasaway na drivers sa kalsada.
Ang bagong online system ng LTO ay dinevelop katuwang ang isang German technology firm na Dermalog, upang matukoy kung posibleng bigyan ang isang motorista ng driver’s license na may 10 taong validity.
Sa isang pahayag, sinabi ng LTO na mahalaga na alam ng driver ang kanilang responsibilidad sa kalsada para na rin mapabuti pa ang kanilang driving habits at performance nito.
Base sa dalawang memo na inilabas ni LTO director Assistant Secretary Edgar Galvante noong Agosto 24, inatasan nito ang lahat ng regional offices at executives na i-enroll ang mga accredited driving schools at instructors sa bagong Drivers Licensing System.
Ang naturang online system ng LTMS ay nagmamandato naman sa mga driving schools, representatives at accredited instructors na dalhin ang kanilang accreditation certificates sa pinaka-malapit na LTO.