-- Advertisements --
ISABELA CAGAYAN CAUAYAN TUGUEGARAO

Nabuhayan ng loob si Cagayan province Governor Manuel Mamba na bubuhos na simula ngayong araw ang mga rescue teams upang sumaklolo sa kanyang mga kababayan na dumaranas nang matinding pagbaha.

Ayon sa gobernador, meron naman daw silang mga rescue teams pero labis na ang kapaguran dahil tatlong araw na rin ang ginagawang walang humpay na pagliligtas sa mga nangangailangan ng tulong.

Aminado si Mamba na maging siya ay hindi makaikot ng husto upang tumungo sa iba’t ibang lugar dahil sa kailangan pa ang bangka.

Liban sa inaasahang pagbuhos ng mga tulong, nakatakda rin daw dumating sa kanila ang C-130 cargo plane ng Philippine Air Force (PAF) upang maghatid din ng mga rescue team at mga pangunahing tulong.

floods Tuguegarao dams Ulysses

Kinumpirma rin nito na marami na rin ang nangako ng magbibibigay ng ayuda para sa mamamayan ng Cagayan hindi lamang ang national government kundi ilang mayayamang pribadong indibidwal.

Ilang cabinet members na rin, senador at mga lokal na opisyal sa labas ng kanilang lalawigan ang tiniyak din na tutulong sa kanilang mga pangangailangan.

Sa ngayon inilagay na rin sa state of calamity ang buong probinsya ng Cagayan matapos na pagtibayin ito sa special session nitong Sabado ng sangguniang panlalawigan.

“Multiple din po roads ang impassable and to think these are all national roads aside from the secondary roads. Ganon po kalala ito dahil ‘yong Cagayan river po nasa critical level. Hindi po nangyayari ito paminsan minsan lang po. Last year we have about 12.6 meter lang sa gauge namin ngayon we have 12.8 meters po ang taas sa Cagayan river, itong bridge na papasok sa Tuguegarao City. Kaya grabe po ngayon,” ani Gov. Mamba sa panayam ng Bombo Radyo.

Samantala, hindi naman naitago ni Gov. Mamba ang sama ng loob sa administrasyon ng Magat Dam.

Aniya, sana raw ay hindi biglaan ang ginawang pagpapakawala ng tubig mula dam.

Kung tutuusin wala naman daw silang pakinabang sa Magat Dam kundi taun-taon na lamang ay nagdadala ito ng perhuwesyo sa kanila.

floods cauayan Ulysses isabela 1

Nagmungkahi pa ito na sana tingnan din ng mga namamahala ng dam ang problema sa kanilang watershed.