Ipinauubaya na ng Kamara sa National Telecommunications Commission (NTC) ang pagpahintulot sa pagpapatuloy ng operasyon ng ABS-CBN sa oras na mapaso ang prangkisa nito sa susunod na buwan.
Sinabi ng House Committee on Legislative Franchises Chairman Franz Alvarez na mayroong memorandum of understanding ang NTC at Kamara noong 1994 na nagsasabing maaari pa ring ituloy ng mga operator na makapag-operate basta pending sa Kongreso ang franchise renewal application nito.
Sa katunayan, sinabi ni Alvarez na naging kaugalian na nga ng Kamara ang ganitong sitwasyon.
Tumanggi naman ang Kamara na manghimasok sa magiging desisyon ng Department of Justice sa quo warranto petition na inihain ng Office of the Solicitor General at kung gagawing batayan ito ng NTC para sa magiging kapalaran ng Lopez-led broadcast company.
Nitong araw, sinimulan nang tanggapin ng komite ni Alvarez ang mga position papers mula sa mga pabor at tutol sa franchise renewal application ng ABS-CBN para bago ito pormal na dinggin ay mapag-aralan na nila ang mga ito ng husto.
Sa oras na matanggap na nila ang lahat ng position papers at mapag-aralan ang mga ito ay saka na lamang nila ika-kalendaryo ang mga pagdinig sa Mayo o Agosto pagkatapos ng State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, tiniyak ni Alvarez na magiging patas ang kanilang isasagawang pagdinig sa usapin na ito.